Just…not.

A quick reminder to myself today: Never fall again. Just don’t. It’s just not…

Hey. Nagkatagpo na naman tayo makalipas ang mahabang panahon. Kamusta na? Marami na nga palang nangyari. Lalo na sa’yo. Sa buhay mo. Sa ‘kin? Wala naman masyado. Pero gusto kong ikwento sa’yo lahat. Hindi dahil wala akong mapagkwentuhan kundi dahil alam kong ikaw yung handang makinig sa kahit na anong sasabihin ko.

Nagtataka ka siguro kung bakit hindi ko na itinanong kung ba’t nagbalik ka na naman sa buhay ko. Ilang beses na kasing nangyari ‘yon noon. At ilang beses ko na rin namang itinanong. Nakuha ko ang inaasahan kong sagot. Kaso mahirap at mali ang sitwasyon n’on. Kaya ako na ang lumayo.

Pero ngayon…hindi ko na gustong malaman kung bakit.

Maaaring iyon rin kasi uli ang dahilan. At maaari rin namang may pag-asa pa. Siguro nga meron pa, kahit ipagpilitan kong walang-walang-wala na. Mayroon pang kaunting natitira. At sapat ‘yon para maging mitsa sa hindi ko pa matiyak na kung ano. Pero alam ko sa pagkakataong ito, kaya ko na. Kaya ko nang dalhin. Hindi ko na kailangang lumayo pa. O kung hindi man iyon ang dahilan, eh ‘di mas mabuti. Nasa pareho tayong daan.

Mas kumplikado na nga pala ang sitwasyon ngayon. Alam mo ‘yan. Mas mahirap. Mas mali. At alam ko kung ano ang tama. Alam mo rin. Iyon ang gagawin ko. Tingin ko, kailangan ko pang ulit-ulitin sa sarili ko kahit matagal ko naman nang alam. Baka kasi bigla ko na namang malimutan.

Hindi ko na itinanong kung bakit nand’yan ka na naman, kasi ayokong maguluhan uli. Ayoko nang sumagot na naman ng mga tanong sa isip ko. Ayoko ng problema. Hayaan na lang natin ang daloy. Manatili tayo sa buhay ng isa’t isa. Hindi dahil dapat. Kundi dahil…

Argh! Hindi ko pala alam kung bakit. Basta gano’n na lang.

Siguro gusto ko. O gusto mo. O gusto natin. Ewan! Hindi ako sigurado kung anong meron tayo. Hindi kita maililinya sa listahan ng mga matatawag kong ‘kaibigan’, dahil hindi naman tayo umabot sa puntong ‘yon maski dati pa. Nalaktawan natin ‘yon nang ‘di namamalayan kaya…heto tayo ngayon. Siguro may panahon pa para maabot natin ‘yon. Pero hindi na pwedeng lumagpas pa uli do’n. Ano sa tingin mo?

Alam ko hindi na tayo tulad ng dati. Lalo na ang sitwasyon. Pero kahit na, isa ka pa rin sa mga lumang tao ng buhay ko. Hindi maganda ang mga nangyari sa nakaraan kaya gusto kong magsimula uli. Gusto ko ng bagong “ending”. Gusto kong magkakilala uli tayo. Gusto kong…maging kaibigan ka. Siguro hindi pa ngayon, pero balang-araw. Sana gano’n ka rin.

Tinanong mo kung kailan mo ‘ko makikita uli. Sa totoo lang, hindi ko alam. Ikaw ‘tong parang kabuteng bigla-biglang sumusulpot. Nakadepende sa’yo. Kasi ako, nakapagdesisyon na.

Kailan nga kaya? Maaaring hindi pa bukas, sa isang linggo o sa isang buwan. Hindi ako aasa sa susunod na pagkakataon, pero sigurado akong darating ‘yon.

Sana huwag kang mapagod bumalik sa buhay ko. Hanggang sa muli nating pagkikita.

(Posted originally somewhere else at same date)

Leave a comment