Argh.

Akala ko kaya ko.

Sobrang proud ko pa nang sinabi kong kaya kong gawin. Kaya kong tapusin. Hindi ko kailangan ng tulong. Pero mali pala ‘ko.

Ang bilis ko lang sinabi. Parang siguradong-sigurado ako. Kasi napasadahan ko eh.

Ah, “forte” ko ‘to.
Alam ko ‘to.
Kaya ko ‘to.

Marami akong mga bagay na hindi kayang gawin. At alam ko kung anu-ano ang mga yun. Tanggap ko naman. Pero pagdating sa mga bagay na iniisip kong nasa “linya” ko, nagiging sigurado ako sa sarili ko. Minsan. At ito ang isang beses sa mga minsanang pagkakataong iyon. Minsan na nga lang, sablay pa.

Natapos ko naman kasi yung mga nauna. Hindi ko naiwasang isiping madali lang rin ang mga susunod. Nakita ko pang hindi naman bago sa ‘kin yun. Kayang-kaya. Eh kaso…hindi pala.

Tama naman, bakit mali?

Paulit-ulit kong sinubukan. Maraming-maraming-maraming beses. Pabalik-balik. Kailangan kong matapos ‘to. Ah, hindi. GUSTO kong matapos ‘to.

Bumalik ang pangungumpetensya ko sa sarili ko. Sabi ko pa, hindi naman ako interesado, eh ano ‘to?

Ayokong biguin ang sarili ko. Na naman. Sa kung-pang-ilang-hindi-ko-na-mabilang.
Pero inabot ko ang limitasyon ko. Sinagad ko. Ginawa lahat ng makakaya. Piniga hanggang sa wala na talaga…o kung may napiga nga ba.

Ilang oras.
Napakatagal. Ni hindi ko namalayan.

Bigla ko na lang naramdaman ang pagod. Pagod ng isip na naramdaman na rin ng hindi naman pagod na katawan.

Ano ba ‘yan.
Napakahina.
Walang natutunan sa pinag-aralan!

Ah, kailan nga ba ‘ko grumadweyt? Walong taon na ba talaga ang nakalipas? Ang bilis naman. Lumipad na lahat ng natutunan ko sa silid-aralan. Hindi ko rin naman kasi nagamit talaga nang pangmatindihan.

Kaya naman pala.
Hindi ko talaga magagawa dahil hindi ko naman pala talaga alam. Pinilit ko lang talaga. Pinilit isipan ng solusyon na hindi naman mahahanap sa pinaghahalungkatan. Pinilit intindihin kahit ang hindi na maintindihan.

Sinubukan ko na rin lang hanapin ang sagot sa iba. May nakita naman ako. Hindi ko pa sigurado kung tama pero mukha naman. Napakadali na lang kopyahin no’n at matatapos na ang problema. Pero…hindi ko ginawa.

May pumipigil sa ‘kin. Hindi ako sanay? Ayoko lang sigurong basta ganun-ganun lang. Hindi ko pa naman kasi naiintindihan. Pero baka dun na rin ako bumagsak. Pinairal ko na lang muna ang sabon. Pride na lang ang meron ako matapos matalo…sa sarili ko.

Ayun.

Parang pinagod ko lang pala ang sarili ko. Pero ayos lang. Masaya pa rin kahit papaano. At least, kaya ko pa palang magtuon ng gnun katinding oras at atensyon sa isang bagay na talagang kakalabit sa isang parte kong matagal-tagal na ring nahimbing.

Hanggang sa muli nating pagkukumpetensya, self.

01052020

Leave a comment